-- Advertisements --

Magiging epektibo ang ceasefire deal o kasunduan sa tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Hamas sa araw ng Linggo, Enero 19 matapos ang mahigit isang taong giyera sa pagitan ng Israel at Hamas sa Gaza mula nang sumiklab ito noong Oktubre 7, 2023.

Ito ang unang phase ng kasunduan na magtatagal ng 6 na linggo o mahigit isang buwan. Sa ilalim ng naturang phase, ipapairal ang ceasefire, pag-withdraw ng Israeli forces, palitan o pagpapalaya ng mga bihag at preso sa panig ng Israel at Hamaws at pagbuhos ng humanitarian aid sa Gaza. Sinabi naman ni US President Joe Biden nitong Miyerkules na kasama sa papalayain ang mga American national na bihag sa Gaza.

Ang ikalawa at ikatlong phase naman ay wala pang ganung malinaw na detalye at nakatakdang pagpasyahan sa unang phase ng kasunduan.

Bagamat nauna ng kinumpirma ng nagsilbing mediators na Qatar at US ang ceasefire deal, nakatakda pa lamang na aprubahan ng Israeli cabinet at ni Prime Minister Benjamin Netanyahu ang naturang kasunduan. 

Hindi din aniya magbibigay pa ng opisyal na komento si Netanyahu hangga’t hindi pa naisasapinal ang mga detalye sa ceasefire deal.

Sa panig naman ng Hamas, sinabi ni Hamas official Izzat al-Risheq na nasunod lahat ng mga inilatag na kondisyon ng Palestinian group sa napag-usapang ceasefire deal sa Doha, Qatar kabilang ang full withdrawal ng Israeli forces, ang pagbabalik ng mga na-displace na Palestino sa kanilang mga tahanan at permanenteng pagtatapos ng giyera.

Samantala, kasunod ng ceasefire at hostage deal sa pagitan ng Israel at Hamas, naka-usap ni Prime Minister Benjamin Netanyahu sina US President Joe Biden at US President-elect Donald Trump.

Dito, pinasalamatan ni Netanyahu si Biden sa kaniyang suporta para mapadali ang pagpapalaya sa mga bihag at sa pagtulong sa Israel na mawaksan ang paghihirap ng dose-dosenang mga bihag gayundin ng kanilang mga pamilya.

Pinuri naman ni Netanyahu si Trump sa kaniyang pahayag na makikipagtulungan ang US sa Israel para tiyakin na hindi magiging kanlungan para sa terorismo ang Gaza.

Nagkasundo din sina Trump at Netanyahu na magkita sa hinaharap sa Washington para pag-usapan ang nasabing isyu at iba pang mahahalagang usapin.

Pinagtibay din ni Netanyahu ang commitment ng Israel sa pagtiyak sa pagpapalaya sa lahat ng mga bihag sa lahat ng posibleng paraan.

Samantala, sa dekalarasyon ng ceasefire, nagbunyi ang mga Palestino sa Gaza strip. Ilan ay mangiyak-ngiyak pa sa tuwa, sumisipol, pumapalakpak at umaawit ng “Allahu akbar” (God is greatest).