Nagdeklara ang alyansa ng mga rebeldeng grupo sa Democratic Republic of Congo ng ceasefire o tigil putukan simula ngayong Martes, Pebrero 4.
Sa isang statement, tinukoy ng grupo na kinabibilangan ng Rwanda-backed M23 rebels ang humanitarian reasons para sa pagdedeklara ng ceasefire matapos na makubkob ng grupo ang teritoryo sa eastern parts ng bansa.
Ayon sa United Nations, nasa 900 katao ang napatay na habang nasa 2,880 nasugatan sa kamakailang labanan sa may Goma, ang pinakamalaking siyudad sa eastern part ng DR Congo, matapos itong makubkob ng mga rebelde.
Kapwa naman kinondena ng Group of 7 (G7) at ng European Union ang naturang opensiba bilang isang garapal na paglabag sa soberaniya ng Congo.
Nanawagan naman si DR Congo communications minister Patrick Muyaya sa international community para sa pagpataw ng sanctions sa Rwanda para mapigilan ito dahil hindi aniya katanggap-tanggap ang ginagawa ng rebeldeng grupo kung nais talaga na mapreserba ang kapayapaan sa Africa at sa rehiyon.