Sinusubukan ngayon ni President Donald Trump na limitahan ang posibleng pagkasira ng samahan sa pagitan ng Turkey at United States matapos ulanin ng kabi-kabilang kritisismo ang naging desisyon nito na bawiin ang U.S. troops sa northern boarder ng Syria.
Ito ay matapos utusan umano ni Trump si Turkish President Recep Erdogan na tuluyan nang itigil ang military incursion na ginagawa ng kaniyang rehiyon laban sa Syria.
Ayon kay US Vice President Mike Pence, personal na tinawagan ni Trump ang Turkish president upang magkaroon ng kasunduan sa agarang ceasefire.
Dagdag pa ng bise-presidente, hindi umano hahayaan ng Amerika ang ginagawang invasion ng Turkey sa Syria. Nanawagan din ito sa Turkey na itigil na ang pagpapalaganap ng karahasan at makiisa na lamang sa usapin na magiging daan upang maayos ang nasabing sigalot.
Nakatakda namang tumungo si Pence sa Turkey para subukan na pumagitna sa krisis ng dalawang bansa.