KORONADAL CITY – Epektibo na ngayon ang ceasefire agreement na isinagawa sa pagitan ng dalawang magkaaway na grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa probinsya ng Sultan Kudarat.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Palimbang, Sultan Kudarat Mayor Teng Capina, matapos sumiklab ang kaguluhan sa boundary ng Barangay Molon Palimbang, Sultan Kudarat at Brgy. Ned Lake Sebu, South Cotabato ay pumagitna ang local government unit sa tulong ng mga otoridad upang mapigil ang away sa pagitan ng 104th Brigade at National Guard ng MILF dahil sa land conflict kung saan may mga menor de edad na naitalang binawian ng buhay.
Kaugnay ng ceasefire ay isinusulong din ang peace covenant sa pagitan ng dalawang grupo ng MILF kasama ang mga residenteng apektado sa boundary ng Sultan Kudarat at South Cotabato upang hindi na maulit pa ang kaguluhan.
Nitong nakaraang buwan ng Hunyo ay halos 1,000 mga residente ang lumikas dahil sa sigalot ng dalawang grupo ng MILF.