CEBU CITY – Ramdam din umano ni Cebu Archbishop Jose Palma ang sakit na dinanas ngayon ng mga magulang at kaanak ng mga namatay sa nangyaring aksidente sa bayan ng Boljoon, Cebu.
Una nang bumaligtad ang isang mini-dump truck na sinakyan ng mga estudyante para sana sa pupuntahang district meet nitong nakalipas na Biyernes ng umaga.
Ang mensahe ni Palma ay ipinarating ni Episcopal Vicar Msgr. Ruben C. Labajo, isa sa mga parish priest ng Cebu Metropolitan Cathedral na siyang nag-preside ng misa para sa paglibing sa mga biktima ng naturang aksidente sa nasabing bayan.
Ayon kay Fr. Labajo, ang mga obispo ng Cebu ay nalulungot din sa nangyari kaya siya ang pinadala doon para magmisa.
Aniya, matatanggap naman talaga ang kamatayan ngunit ang nangyari umano sa walong inosenteng bata at isang magulang ang isa sa pinakamahirap tanggapin sapagkat biglaan at malagim.
Kaya nanawagan ito sa publiko na mag-alay ng dasal para sa mga namatay nang sa ganon maging mapayapa na rin ang kanilang pagpapahinga.
Maliban nito, nag-abot din ang simbahan ng cash assistance para sa mga biktima.