Cebu City Acting Mayor Raymond Garcia, tinawag na ‘premature’ pa para sabihing ASF-infected ang lungsod
Tinawag ni Cebu City Acting Mayor Raymond Alvin Garcia na ‘premature’ pa para sabihing nakapasok na ang African Swine Fever (ASF) nitong lungsod dahil nakabinbin pa umano ang 15-day period.
Una na kasing naiulat ang pagkamatay ng nasa pitong mga baboy sa Brgy. Bonbon nitong lungsod at kinumpirma na may mga test results.
Paglilinaw pa ni Acting Mayor Garcia na hindi pa matatawag na mayroon ng kaso ng African Swine Fever (ASF) dito dahil wala pang confirmatory testing na magsilbing batayan.
Ibinahagi pa niya na matapos matanggap ang ulat ay agad itong nagpatawag ng pagpupulong kasama ang Department of Veterinary Medicine and Fisheries (DVMF) at inaalam kung ano ang mga hakbang na ginawa upang tugunan ang sitwasyon.
Sinabi pa nito na sa oras na maisagawa na ang pangalawang round ng testing at may mga magpositibo pa rin ay dapat na umano itong ikaalarma ngunit kung negatibo naman ay nananatili pa rin aniyang ASF-free ang lungsod.
Idinagdag pa nito na nagpatupad na ng border control upang mapigilan ang pagkalat nito.
Tiniyak naman ng opisyal na ginawa na ng DVMF ang dapat nilang gawin tulad ng pagpunta sa mga piggery para bigyan ang mga nag-aalaga ng baboy ng mahigpit na kontrol at tagubilin.