CEBU CITY – Hindi pa lubusang handa ang Cebu City kung sakaling tamaan ng malaking trahedya gaya ng malakas na lindol.
Ito ang naging pahayag ni Cebu City Councilor Dave Tumulak kasunod ng nangyaring sunud-sunod na lindol sa Mindanao nitong linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Tumulak, sinabi nito na hindi pa handa ang mga mamamayan sa lungsod kung disaster preparedness na ang pag-uusapan.
Ayon sa konsehal na kailangan pang palakasin ang information dissemination upang malaman ng mga kababayan kung ano ang gagawin sa panahon ng sakuna.
Magagawa aniya ito sa pamamagitan ng kanilang mga tauhan sa City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) at sa pakikipagtulungan ng mga taga-Cebu City.
Tutungo si Tumulak sa Cotabato upang suriin ang sitwasyon nito matapos ang malakas na lindol.
Pag-aaralan nila kung ano ang maitutulong ng Cebu City government sa mga naapektuhan ng naturang trahedya.