CEBU CITY -Kahit pa man sa nararanasang problemang pang-ekonomiya dahil sa kinakaharap na pandemya, handa ngayon ang Cebu City government na magbigay-tulong sa mga lalawigan na sinalanta ng Supertyphoon Rolly.
Kaugnay nito, nagbukas ng drop off center sa labas ng City Hall, Fuente Osmeña, Plaza Independencia at iba pang mga lugar nitong lungsod para sa mga nagnais magdonate ng pagkain, tubig, gamot, hygiene kit, at iba pang mahahalagang pangangailangan para sa mga biktima ng bagyo sa Hilagang Luzon.
Hindi man makapagbigay ng cash o tulong pinansyal ang pamahalaang lungsod sa mga lugar gaya ng Catanduanes, Quirino, Quezon, at Albay, ngunit sisikapin nitong makapagbigay ng maraming relief goods hangga’t maaari.
Inihayag pa ni Cebu City Mayor Edgardo Labella na magpapadala sila ng disaster team upang tutulong sa paglilinis ng mga lugar kung saan bumagsak ang mga puno, gumuho ang mga lupa at mga imprastraktura.
Prayoridad naman ang pagpapadala ng mga ito sa Catandanues kung saan lubhang naapektuhan ng bagyo.