-- Advertisements --

Patuloy na namamaga ang estado ng mga ospital sa Cebu City dahil sa dami ng mga pasyenteng ginagamot sa COVID-19 at iba pang sakit, ayon sa Department of Health.

“Ngayon sa Cebu, ang situation, tulad ng sabi ko, nearing critical point ‘yung kanilang mga critical care resources like the isolation beds, ‘yung mga ICU, tsaka mechanical ventilators,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon sa opisyal, hamon sa Cebu City ang kakaunting tertiary hospitals. Hindi raw kasi pwedeng magkaroon ng ICU units ang Level 1 hospitals.

“Marami sa kanila Level 1 hospital. Hindi sila puwedeng magkaroon ng ICU. Kailangan pa nilang mag-add on service, magkuha ng additional equipment, espesyalista para sila ay payagan,” paliwanag ng DOH spokesperson.

Sa ngayon halos mga pribadong ospital daw sa lalawigan ang okupado ng COVID-19 patients. Partikular na ang Chong Hua Hospital na nasa 98-percent na ang occupancy rate.

Mula sa 190 regulard beds ng ospital, 188 na ang may pasyente. 19 naman mula sa 20 ICU beds nito ang okupado na rin. Bukod dito, 238 health workers ng nasabing ospital ang naka-quarantine.

Nakausap na raw ng National Task Force officials ang pamunuan ng ospital para matukoy kung ano pa ang kailangan ng pasilidad.

CEBU CITY CDT
IMAGE | Cebu City case doubling time and critical care utilization rate/DOH

Batay sa huling datos na hawak ng DOH, 63.45-percent ang ang critical care utilization rate ng lungsod, pati sa kanilang isolation bed utilization.

Ang case doubling time naman ng siyudad ay 7.62-days.