CEBU CITY – Tuluyan nang nagdeklara ng state of calamity si Cebu City Mayor Mike Rama sa gitna ng pananalasa ng bagyong Agaton na nagdala ng walang humpay na pag-ulan sa lungsod.
Alinsunod sa rekomendasyon ng City Disaster Risk Reduction and Management Council, ipinatupad rin ng alkade ang “no work, no classes” ngayong araw bilang preventive measure.
Kanselado na rin ang lahat ng biyahe sa mga sasakyang pandagat at dahil dito, may mga stranded na pasahero na ang naitala sa mga pantalan.
Nabatid na ang pag-ulan ay nagdulot na ng ilang pagbaha at pagguho ng lupa lalo na sa probinsiya ng Cebu.
May tumaob din na Ro-Ro vessel sa Consuelo Port, San Francisco sa isla ng Camotes dahil sa malalaking alon na humampas sa pantalan.
Ang nasabing vessel ay may dalang 5,439 liters na diesel oil at 68 liters na lube oil, pero ligtas naman ang 14 na crew members na sakay nito.
Sa ngayon, nararanasan pa rin sa lungsod ang maulap na kalangitan at hindi naman gaanong kalakasan ang ulan ngunit nararamdan ang malakas na bugso ng hangin.
Maliban sa Cebu, ramdan na rin ang bagyo sa iba’t ibang bahagi ng Visayas at may naitala na rin umanong namatay dahil sa epekto na dala ng bagyo.
Sa Negros Oriental, tatlo na ang naitalang nasawi kung saan isa rito ay isang apat na taong gulang na bata na naiulat na nalunod sa isang sapa sa Barangay Bongalonan, Basay, Negros Oriental.
Sa kasalukayan, itinaas na sa signal number 1 ang the northeastern portion sa Cebu (Daanbantayan, Medellin, Bantayan Islands, Bogo City, San Remigio, Tabogon, Borbon, Tabuelan, Sogod, Catmon, Carmen, Danao City, Compostela, Liloan) including Camotes Island, at eastern portion sa Bohol (Buenavista, Danao, Dagohoy, Pilar, Guindulman, Candijay, Mabini, Alicia, Ubay, San Miguel, Pres. Carlos P. Garcia, Trinidad, Bien Unido, Talibon, Jetafe).