-- Advertisements --

CEBU CITY – Aapela si Cebu City Mayor Mike Rama sa IATF na payagan ang pagbubukas ng mga sementeryo sa lungsod sa darating na Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2.

Ito ay matapos na ipag-utos ng IATF kamakailan na isarado ang mga sementeryo sa bansa sa naturang mga araw.

Nauna nang nagplano ang lungsod na buksan sa publiko ang mga sementeryo para sa mga fully vaccinated na kontra COVID-19.

Sa ngayon, sinabi ni Rama na nakausap na niya si National Task Force (NTF) chief implementor na si Sec. Carlito Galvez hinggil sa nais niyang gawin na ito.

Samantala, iginiit ni Rama na panahon nang bigyan ng laya ang mga local government units sa paggawa ng mga polisiya o hakbang sa kanilang nasasakupan sa harap ng pandemya.

Ang mga LGUs rin naman kasi aniya ang nakakaalam sa tunay na nangyayari sa ground.