CEBU – Pinawi ni Cebu City Mayor Edgardo Labella ang pangamba ng mga Cebuano sa patuloy na pag-akyat ng bilang ng COVID-19 case sa lungsod.
Ayon kay Mayor Labella na hindi dapat mag-alala ang mga Cebuano dahil ang patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases ay bunsod ng nagpapatuloy na contact tracing at massive testing.
Inihayag pa ng mayor na 90% sa mga nagpositibo ay asymptomatic kung saan nailipat na ang mga ito sa Barangay Isolation Centers at nasa ligtas na lugar at tinitiyak na maiiwasan ang paglaganap pa ng coronavirus.
Samantalang nakatakda namang isasagawa ng Cebu City, Mandaue City at Lapu-Lapu City ang strategic mass testing sa Miyerkules kung saan magsisilbi itong susi sa mga susunod na desisyon at polisiya ng local government chiefs sa posibleng transition ng Enhanced Community Quarantine sa General Community Quarantine.
Sa ngayon nasa mahigit 1,000 kaso ng COVID-19 ang naitala sa lungsod ng Cebu matapos ang daan-daang kaso na nadagdag sa bilang ng infected na mga indibidwal.