CEBU CITY – Nilagdaan ni Mayor Mike Rama, kahapon, sa City Hall flag-raising ceremony ang isang executive order na nagdaragdag sa mga probisyon ng Agosto 31, 2022 Executive Order No. 5, na ginawang “hindi obligado” ang paggamit ng face mask sa lungsod.
Sa ilalim ng EO No. 6 (An Order Supplementing the Provisions of Executive Order No. 5 Series of 2022), ipatutupad ang opsyonal na paggamit ng face mask mula Sept. 1, 2022 hanggang Dis. 31, 2022.
Ang nasabing kautusan ay binasa ni Karla Henry, ang spokesperson ni Mayor Rama, sa nasabing flag ceremony.
Kasama sa mga pagbabago sa bagong EO ang pagtatakda ng ‘trial and observation period’ para sa boluntaryong paggamit ng mga face mask sa mga bukas na lugar ng lungsod.
Kung matatandaan, umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga stakeholder ang hakbang ng lungsod ng Cebu na tanggalin ang face mask bilang requirement sa labas noong Agosto 31.
Lalo na ang Department of Health (DOH), na kinuwestiyon ang “lack of consultation” na ginawa ng pamahalaang lungsod.