CEBU CITY – Hindi pabor si Cebu City Mayor Michael Rama sa ipapatupad na signal jamming ng Police Regional Office Central Visayas para sa Sinulog Festival 2023.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu sa alkalde, sinabi nitong sa tagal ng panahon na naging opisyal ito ng Cebu City, at naging chairman pa ng Sinulog sa mga nagdaang taon ay hindi naman ipinapatupad ang signal jamming bilang isa sa mga security measure.
Ayon kay Rama, na hindi maaaring walang koneksyon ang publiko lalong-lalo na isang malaking event kagaya ng Sinulog.
Aniya, makikipag-usap ito kay PRO 7 Regional Director Brigadier General Jerry Bearis tungkol sa nasabing usapin.
Binigyang-diin ng alkalde na magiging hamon ito ng pulisya ngunit kanyang pinaniniwalaan na hindi ito magiging hadlang para gawing ligtas ang selebrasyon ng Sinulog Festival 2023.