Kung maaprubahan, ang panukalang P50 bilyong budget ni Cebu City Mayor Michael Rama para sa 2023 ang magiging pinakamalaking budget na naipasa sa kasaysayan ng lungsod.
Nabatid na kasalukuyang nag-ooperate ang lungsod na may inaprubahang budget na halos P9 bilyon.
Ipinadala ng Tanggapan ng Alkalde sa Sangguniang Panlungsod ang panukalang badyet para sa 2023 makaraan din itong magpadala ng kahilingan para sa pagpasa ng ikatlong supplemental budget para sa 2022 na nagkakahalaga ng P1.3 bilyon.
Nabatid na hangarin ni Mayor Rama na magtayo ng humigit-kumulang 200 medium-rise na gusali para paglagyan ng mga informal settlers o iyong mga pamilyang umuokupa sa mga pribadong lote.
Sa katunayan, sinabi ni Cebu City Vice Mayor Raymond Garcia na inirefer na niya ito sa Committee on Budget and Finance sa pangunguna ni Konsehal Noel Wenceslao.
Tinukoy ni Garcia na bibigyan nila ng pagkakataon ang komite na suriin ang panukalang budget ng alkalde.