CEBU CITY – Nanawagan si Cebu City Mayor Edgardo Labella sa City Council na maghain ng ordinansa upang parusahan ang sinumang lalabag sa “physical distancing.”
Ito’y alinsunod na rin sa ipinatupad na enhanced community quarantine sa nasabing lungsod laban sa nakamamatay na COVID-19.
Ayon kay Labella na dapat parusahan ng community service ang violators kung saan maglilinis at magliligpit ito ng mga kalat sa daan.
Una rito, napasin mismo ng City Government na hindi umano sineryoso ng mga residente ang “physical distancing” sa tuwing may bibilhin sila sa labas.
Ilan sa mga ito ay ang nangyari sa Carbon Public Market noong nakaraang linggo dahil nagdagsa ang ilang mga Cebuano upang makabili ng sahog ng “binignit,” na syang inihanda naman tuwing Semana Santa.
Maalalang nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na handa itong arestuhin ang sinumang alkalde na hindi sumusunod sa “physical distancing” bilang panlaban sa coronavirus.