CEBU CITY – Handa umanong sagutin ni Cebu City Police Office (CCPO) Director, P/Col. Royina Garma kung sakaling kuwestyunin siya sa mga alegasyon sa kanya ni Cebu City Mayor Tomas Osmeña.
Ito ang sinabi ni Gamra matapos na ipatawag ito sa Camp Crame kasama si PRO-7 Regional Director, PB/Gen. Debold Sinas.
Una rito, inakuhasan ni Osmeña si Garma na “Queen of Swertres” at tumatanggap daw ng P1-milyong payola kada linggo galing sa illegal gambling.
Ayon kay Garma, matagal na raw itong naturang isyu kung saan noong nasa Davao pa ito nakadestino ay ito na raw ang ibinabatong isyu sa kanya na pawang wala raw katotohanan.
Wala rin umanong kinalaman si Garma sa mga kumakalat na larawan ni Osmeña na nasa loob ng casino at nagsusugal.
Una na ring inakusahan ni Osmeña si Garma at si Sinas na nasa likod daw ng serye ng straffing incident na nangyari sa kanyang kasamahan sa pulitika.