-- Advertisements --

CEBU – Irerekomenda ng Cebu City police sa Police Regional Office in Central Visayas (PRO-7) ang pagpapatupad ng gun ban sa lungsod at iba pang bahagi ng Metro Cebu sa pagdiriwang ng Sinulog 2023.

Ito ang ibinunyag ni Police Lieutenant Colonel Janette Rafter, deputy director for operations ng Cebu City Police Office (CCPO), na nagrekomenda na simulan ang gun ban kahit isang linggo bago ang opisyal na pagsisimula ng mga aktibidad sa Sinulog.

Sinabi ni Rafter na tinatalakay pa rin ng mga opisyal ng lungsod ang pangangailangang magpatupad ng liquor ban sa lugar ng mga kaganapan sa Sinulog, o hindi bababa sa 300-meter radius.

Binanggit din nila na magkakaroon ng signal jammer sa Sinulog grand parade pero depende ito sa magiging threat assessment.

Habang sa panig naman ni Police Brigadier General Roderick Augustus Alba, PRO-7 director, makikipag-ugnayan din sila sa mga organizer kung paano nakakaapekto ang ideya ng signal jamming sa mechanics ng mga organizers ng cultural at religious activities.

Sa ngayon, sinabi ni Alba na patuloy nilang tinatapos ang paghahanda sa seguridad para sa Sinulog 2023 at i-extend ito hanggang Disyembre 15, kun saan ilang multi-agency coordinating centers ang naitatag at may ginagawang monitoring.