-- Advertisements --

Inihayag ni Cebu City Police Office Acting Director PCol Antonieto Cañete na hindi naman umano mahalaga para sa kanya kung mabigyan ng pagkakataon na manungkulan sa posisyon nang full capacity o marelieve sa pwesto.

Ito ang naging komento ni Cañete sa inaasahang pagpili ni City Acting Mayor Raymond Alvin Garcia ng bagong City Director ng lungsod.

Matatandaan na pormal itong naupo sa pwesto noong Hulyo 26 o halos dalawang linggo pa lamang ang lumipas.

Binigyang-diin ni Cañete na hindi mahalaga para sa kanya ang posisyon kundi ang makapagsilbi ng tama sa mga Cebuano.

Sa katunayan pa aniya ay hindi siya nag-aplay bilang City direktor ngunit dahil sa nakikita ng Philippine National Police sa kanyang dedikasyon sa trabaho at pagbigay ng mahusay na output ay hindi na pinagduduhan pa ang kanyang kapasidad at itinalaga sa posisyon.

Samantala, ibinunyag ni spokesperson PLt Col Gerard Ace Pelare na kasali naman umano si Cañete sa limang mga pangalan na pagpipilian ni Garcia na pawang mga opisyal mula sa PRO-7.

Hindi naman nito binaggit kung sino ang apat na iba pa.

Ayon kay Pelare na sa ilalim ng batas, bibigyan ito ng limang pangalan ng mga inirerekomenda at kapag nakapili na ay saka pa lamang magtatalaga ng permanenteng City director.