CEBU CITY – Hinamon ngayon ang Cebu City Police Office na maglevel-up sa kanilang performance laban sa iligal na droga at tugisin ang mga pangunahing supplier.
Sa kanyang pagbisita sa headquarters ng pulisya dito, ipinag-utos ni Cebu City Acting Mayor Raymond Alvin Garcia na tugisin ng ng mga ito ang mga malalaking personalidad na sangkot sa pagpupuslit ng ilegal na droga sa lungsod.
Ayon kay Garcia, dapat hindi lamang limitado ang paghuli ng kapulisan sa mga maliliit na drug pusher kundi maging ang mga main supplier nito mapa-labas man ng lungsod o sa loob ng kulungan nag-ooperate.
Binigyang-diin din nito na dapat habulin ang mga personalidad na nagpoprotekta sa mga ito, kahit mga pulis man, pulitiko, o negosyanteng kumikita sa ilegal na droga.
Ayon sa opisyal, panahon na para magpatupad ng diskarte na magdidirekta sa kanilang anti-drug operations laban sa mga taong nagpoprotekta sa kalakalan ng ilegal na droga.
Naniniwala pa itong hindi magtatagal ang iligal na aktibidad na ito kung walang nagsuporta.
Dagdag pa ng opisyal na kadalasan sa naganap na mga krimen sa lungsod ay may kaugnayan sa iligal na droga.