CEBU CITY – Kinumpirma ngayon ng Cebu City Police Office na may dumating na sa Cebu na criminal group mula sa ibang rehiyong habang papalapit ang Kapaskuhan at Sinulog.
Inihayag ni Police Lt Col Ma. Theresa Macatangay, Deputy City director ng Cebu City Police Office, na ito’y batay na rin umano sa kanilang nakuhang intel at dahil na rin sa nakalipas na mga pag-aresto at nakuhang impormasyon.
Aniya, itinuturing ng pulisya ito bilang isang babala bagama’t wala silang nakuhang anumang partikular na banta ng bagay na iyon na nakadirekta sa lungsod ng Cebu.
Kaugnay nito, nagpatupad na umano sila ng ilang mga hakbang para walang mabiktima at pinabuti ang sistema ng pag-uulat sa pagitan ng mga pribadong stakeholders partikular ang financial institutions pati na rin ang iba pang security forces sa lungsod.
Nanawagan naman ito sa publiko na huwag hayaang maging target ng mga kriminal na ito.
Samantala, idinagdag naman nito na tuloy-tuloy na umano ang kanilang deployment simula noong Nobyembre patungo sa panahon ng Kapaskuhan at hanggang sa matapos ang selebrasyon ng Sinulog 2025.
Target naman umano nila na walang maitalang malalaking krimen sa mga panahong iyon ngunit kailangan pa umano nila ang kooperasyon ng lahat ng sektor.