CEBU CITY – Tiniyak ng Cebu City Police Office na isolated cases lamang ang nangyaring serye ng shooting incident nitong lungsod ng Cebu sa mga nakalipas na araw.
Nauna rito, hindi bababa sa 4 katao ang nasawi sa pamamaril noong nakaraang lingo sa loob lamang ng limang araw.
Kabilang sa mga nasawi sina Saturnino Biscocho at Maribell Pedroza na parehong bagong laya na binaril patay sa Brgy. Duljo Fatima; sinundan naman ito ng pagkasawi ng isang Roldan Racal at Gilbert Gelbolingo na pareho namang binaril patay sa magkahiwalay na araw at lugar sa Brgy. Mambaling.
Inihayag ni PLt Col Janette Rafter, deputy city director for operations ng Cebu City Police, na natukoy na rin naman ang mga suspek at posibleng masampahan na ang mga ito ng karampatang kaso.
Sinabi pa ni Rafter na may common denominator ang insidente ng pamamaril na naganap.
Bagamat isolated cases, ayon sa kanya, karamihan sa mga shooting incident ay maaaring konektado o nasasangkot sa iligal na droga ang suspek o ang biktima.
Aniya, pangunahing alalahanin sa Cebu ang droga kaya naman hinihikayat nila ang publiko na makiisa sa kanilang pagsisikap na puksain ang iligal na droga.
Ibinunyag din ni Rafter na matagal nang problema ng Mambaling Police station ang mga insidente ng pamamaril na siya namang may pinakamaraming naitala sa lungsod at sa kabila na maliit lamang na barangay ay ito rin ang area of concern pagdating sa iligal na droga.