CEBU CITY – Isinailalim na sa Alert Level 1 ang Cebu City simula ngayong araw, Marso 16 hanggang sa Marso 31.
Kaugnay nito, inihayag ni Cebu City Councilor Joel Garganera, Emergency Operation Center Head, na posibleng maabot na ng lungsod ang 100 porsiyento ng populasyon na fully vaccinated kaya inilagay na sa mas mababang alert level status.
Ayon kay Garganera, ito na ang panahon na makakabawi ang ekonomiya ng Cebu City sa pagbabalik ng mga establisimento sa kanilang mga kapasidad matapos ang dalawang taon na pagbaba ng kanilang kita.
Ngunit nilinaw ng opisyal na kahit na mas “relax” na ang alert level status ng lungsod ay kailangan pa rin ang pagsusuot ng face mask at dapat fully vaccinated pa rin ang mga taong dadalo sa kahit anumang indoor party.
Aniya, bibigyan din ng karapatan ang mga establisimento na magsagawa ng kanilang sariling patakaran na makakabuti para sa mga tao at sa kanilang negosyo.
Binigyang-diin ni Garganera na kanilang bibigyan ng guidelines ang mga barangay kapitan kaugnay sa Alert Level 1 status nitong lungsod.
Nabatid na tanging ang Cebu City lang ang nadagdag sa listahan ng mga area sa Central Visayas na isasailalim sa Alert Level 1, kung saan una nang naibaba ang Siquijor sa mas maluwag na quarantine classification.