CEBU CITY – Tila nagpasaring na naman si Cebu Governor Gwendolyn Garcia kay Agriculture Secretary William Dar kaugnay sa pahayag na pagiging “over reacting” umano ng Provincial Government laban sa pagkalat ng African swine fever (ASF) sa lalawigan.
Ito’y alinsunod sa umano’y lumalalang pagkalat ng ASF sa Luzon kung saan apektado ang libu-libong baboy.
Kung maaalala, sinabi raw ni Sec. Dar na “over reacting” ang pagpapatupad ng pork entry ban sa Cebu dahil proper management lang ang kinakailangan upang ‘di maapektuhan ang mga babuyan doon.
Ayon kay Garcia, OK lang na tawaging “over reacting” ang naturang hakbang lalo’t apektado ang P11 billion hog industry sa Cebu kung papasok ang kinatatakutang ASF virus sa lalawigan.
Gumanti naman ang gobernador sa pahayag ni Dar at sinabi nitong “under reacting” ang Department of Agriculture (DA) sa mga isinagawang hakbang laban sa ASF.
Kamakailan lang ay nakipagkita si Dar kay Garcia upang pag-usapan ang pagpapatupad ng pork entry ban sa buong lalawigan, at kinalaunan ay nagkaintidihan naman ang dalawang opisyal.
Una nang inutusan ni Garcia ang mga hotels, restaurants, at resorts na huwag ibenta ang kanilang tira-tirang pagkain upang gawing kaning-baboy bilang bahagi ng kanilang hakbang laban African swine fever.
Pinasalamatan naman ng gobernadora ang ASF Task Force dahil sa kanilang pakikipagbayanihan upang manatiling ASF-free ang Cebu.