CEBU CITY – Mariing pinanindigan ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang kanyang bagong Executive Order 16-2022 o ang “Rationalization the wearing of facemasks within Cebu.”
Sinabi ni Garcia, hindi ito nangangahulugan na ang mga nasa open area ay hindi na magsusuot ng facemask bagkus ito ay optional o human discretion habang ang mga may sintomas ay dapat pa ring magsuot ng facemask gayundin ang mga nakasarado at airconditioned o matataong lugar.
Sinabi ni Garcia na ngayon na ang tamang panahon para kumilos sa isyu ng pagsusuot ng facemask dahil marami ng LGUs ang ibinaba sa Alert Level 1 at mababa na lamang ang mga kaso ng COVID-19.
Aniya, nakabase rin sa kanyang obserbasyon on the ground ang kanyang ginawang desisyon.
Dagdag pa ng gobernador, halos 30 bansa na ang tumigil sa paggamit ng facemask dahil sa pagbaba ng kaso ng mga ito.
Pinagsabihan din ng gobernador si DILG Secretary Eduardo Año sa pag-utos sa pulisya na arestuhin ang taong walang facemask at inilarawan pa ang gobernador bilang isang “anti-poor policy.”
Mensahe na lamang ng gobernadora sa mga pambansang ahensya na tutol sa kanyang utos na higit na igalang dapat ang lokal na otonomiya bagamat hindi naman niya ito ginawa para sa kanyang pagiging gobernador o sarili kundi para sa mga taga-probinsya ng Cebu na kamakailan lamang ay nagbigay sa kanya ng isang nakakagulat na mandato.