Cebu Gov. Gwendolyn Garcia, inalis na ang ASF border control sa lalawigan; Mga lgus, makakatanggap ng tig-P1M para labanan ang nasabing sakit ng baboy
Ipinag-utos ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia na alisin na ang border control at pinawalang-bisa ang color-coding scheme na ipinatupad ng Bureau of Animal Industry para markahan ang mga local government units na umano’y apektado ng African Swine Fever (ASF).
Dahil dito, maaari nang makatawid sa ibang bayan o lungsod ng lalawigan ang mga baboy para ibenta o katayin.
Kailangan lang na kumuha ng veterinary health certificate ang mga mangangalakal para sa kanilang backyard swine farm mula sa Municipal o Provincial Veterinary Office.
Sa kabila ng mga ipinatutupad na polisiya ng pamahalaang panlalawigan, hindi naman niluwagan ang pagmonitor sa mga baboy kung saan may binuong ASF-task force upang masubaybayan ang mga nag-aalaga ng baboy.
Inanunsyo naman ng gobernadora na makakatanggap ng tig-isang milyong piso ang mga local government units ng lalawigan para sa kanilang inisyatiba sa paglaban sa African Swine Fever.
Maliban pa, mamimigay din ang provincial government ng mga Personal Protective Equipment (PPE’s) na hindi nagamit sa panahon ng pandemya at siya namang gagamitin ng ASF-task force bilang proteksyon para di mahawaan sa sakit ang mga baboy.
Samantala, ibinalik na ng lokal na pamahalaan ng Barili ang swine trading sa Mantalongon market na una na ring pansamantalang ipinagbabawal ang pangangalakal ng baboy kasunod ng naitalang kaso ng African Swine Fever sa Carcar City.