-- Advertisements --
Governor Gwendolyn Garcia
Governor Gwendolyn Garcia/ FB image

CEBU CITY — Iniutos ngayon ni Cebu Provincial Governor Gwendolyn Garcia ang mga alkalde ng bawat munisipalidad na bumuo ng monitoring team kasabay ng mahigpit na pagbabantay laban sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (nCoV ARD).

Sa nangyaring pagtitipon ng mga alkalde at concerned agencies, ikinonsidera ng Provincial Government ang home-based quarantine dahil sa kakulangan umano ng mga pasilidad sa bansa.

Alinsunod ito sa ipinatupad na 14-day quarantine para sa mga Pilipino o turista na dumating mula sa mainland China, Macau, at Hong Kong.

Ayon kay Garcia na inaayos ang ipapatupad na protocols sa home-based quarantine gaya ng pagkakaroon ng sariling palikuran sa bawat tahanan, at iba pa.

Sinabi rin ng gobernador na susuot ng personal protective equipment (PPE) ang monitoring team sa bawat bayan upang hindi mahawa sa naturang sakit.

Samantala, kinansela na rin ng gobernadora ang paparating na mga fiesta sa lalawigan sa kabila ng naranasang nCoV scare.

Napag-alamang hindi na itinuloy ang Sarok Festival sa bayan ng Consolacion, bata sa naging desisyon ng alkalde na si Joannes Alegado.