-- Advertisements --

CEBU – Nilinaw ni Gobernador Gwendolyn Garcia na walang kinalaman ang hidwaan sa Kapitolyo at BAI sa pagbalangkas at pagpasa ng ordinansa 2023-02 noong Abril 4, 2023.

Ito ang tinukoy ng Gobernador, sa isinagawang press briefing kahapon, Lunes, Mayo 15, para sagutin ang opinyon ni Remulla.

Ipinahayag ni Garcia na ang hakbang na ito ay ginawa para maisalba ang kabuhayan ng mga Sugbuonan, dahil kung papayagan niya ang patakaran ng BAI, libu-libong Baboy ang ma ‘culling’ at mahihirapan ang mga tao.

Una rito, sumulat ng opinyon si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla laban sa Cebu Provincial Ordinance 2023-02 na nagpaparusa sa mga opisyal ng pambansang pamahalaan at government-owned and controlled corporations (GOCCs) na nagpapatupad ng mga proyekto at programa sa loob ng hurisdiksyon ng Lalawigan ng Cebu nang walang paunang konsultasyon at pag-apruba mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu.

Malaki ang paniniwala ni Remulla na nagkakamali ang Lalawigan ng Cebu sa paniniwalang kinakailangang humingi ng pag-apruba ang alinmang pambansang ahensya ng gobyerno bago ipatupad ang anumang programa at proyekto sa loob ng teritoryo nito.

Nanindigan siya na ang pag-apruba sa ordinansa 2023-02 ay batay sa tensyon sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu at Bureau of Animal Industry (BAI) sa pagpapatupad ng mga polisiya matapos ma-detect ang African swine fever (ASF) sa Carcar City noong Marso 1.

Ayon kay Remulla, ang aksyon ng BAI laban sa ASF ay katulad din ng ginawa mismo ng Pangulo, maliban na lang kung ito ay i-reject ng chief executive.

Bukod sa justice secretary, maaari pa ring humingi ng recourse ang Cebu Province laban sa mga non-compliant na opisyal ng national government at GOCC sa pamamagitan ng paghahain ng reklamo laban sa kanila sa anti-graft office.