Ipinag-utos ni Cebu Provincial Governor Gwendolyn Garcia ang pansamantalang ban sa loob ng 60 araw para makapasok sa lalawigan ng Cebu ang mga live hogs, boar semen, pork at pork related products kabilang ang mga livestock transport vehicles mula Iloilo at Panay Island dahil sa napaulat na nakapagtala ang kanilang provincial veterinarian ng hinihinalang African Swine Fever o ASF case.
Ayon sa gobernador, mas mabuting maghanda muna ang lalawigan ng Cebu para protektahan ang 10 bilyong hog raising industry kahit nakabinbin pa ang kumpirmasyon ng pagkakaroon ng ASF sa mga nasabing lalawigan.
Alinsunod dito, mabilis na naglabas ang gobernador ng executive order #42 na magiging epektibo alas 12:01 nitong araw ng Biyernes, Oktubre 14.
Sa kanyang EO No.42, nirevoke at kinansela ang livestock transport sa Iloilo at Panay Island hangga’t hindi ito inaabisuhan ng provincial government ng Cebu.
Lumalabas, na isa sa ipinagmamalaki ng Kapitolyo ay hanggang ngayon ay nananatiling ASF-Free ang lalawigan dahil sa mahigpit na alituntunin na ipinatutupad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu.