-- Advertisements --

CEBU CITY – Nahaharap sa kasong malicious mischief ang dating alkalde ng Cebu City na si Tomas Osmeña matapos umanong tanggalin ang mga personal na gamit sa tanggapan ng mayor sa city hall.

Ayon kay city legal officer Atty. Rey Gealon, may responsibilidad si Osmeña sa insidente dahil itinuturing na “immovable” ang mga naipundar nitong gamit sa mayor’s office bilang pag-aari na ng gobyerno.

Kabilang sa mga ipinatanggal ng alkaldeng bumaba sa pwesto ang tiles, wirings, kisame, at iba pa na may kabuuang halaga na higit P2-milyon.

Unang nilinaw ng former mayor na nanggaling sa kanyang bulsa ang budget sa pag-renovate ng mayor’s office dahil hindi raw ito pinayagan ng City Council na magkaroon ng pondo para rito noon.

Sa kabila nito nilinaw ni Gealon na gagamitin pa rin ng bagong halal na si Mayor Edgardo Labella ang kinalbong tanggapan.

Pero sa ngayon, papasok daw muna si Labella sa opisina ng Senior Citizens’ Affairs habang inaaksyunan ang mayor’s office.

Batay sa ulat, inutusan ni Osmeña ang ng isang construction firm para tanggalin ang mga tiles ng mayor’s office, gayundin ang iba pang personal na gamit sa tanggapan.