Nilinaw ng Cebu Pacific ang kontrobersiyal na insidente kung saan isang nakatatandang pasahero ang hindi pinasakay sa flight papuntang Bali, Indonesia, dahil sa maliit na punit sa kanyang pasaporte. Ang insidente ay naging viral matapos itong ibahagi sa social media noong Abril 22 ng netizen na si Diana Natividad.
Ayon kay Carmina Romero, tagapagsalita ng Cebu Pacific, sinunod lamang ng airline ang tamang proseso ng pag-check ng travel documents alinsunod sa patakaran ng Bureau of Immigration (BI), kung saan ang airline na ngayon ang may pananagutan sa pagberipika ng bisa at kondisyon ng pasaporte.
Dagdag ni Romero, naabisuhan na sila ng immigration authorities sa Bali na hindi papasukin ang pasahero, kaya obligado silang sundin ang utos na huwag itong isakay. Hindi rin umano ito ang unang pagkakataon na may pasaherong naharang dahil sa sira ang pasaporte.
Giit ng Cebu Pacific, wala silang intensyong sirain ang biyahe ng kahit na sinong pasahero, at ginagawa nila ang mga hakbang na ito para sa kaligtasan ng lahat.
Sa ngayon, hindi pa umano direktang nakikipag-ugnayan sa airline ang apektadong pasahero, kaya hindi pa sila makapaglabas ng opisyal na tugon hinggil sa detalye ng viral post.