Maaaring pagmultahin ng Civil Aeronautics Board ang Cebu Pacific dahil sa pagkansela ng maraming flights hanggang sa Mayo 10 ng taong kasalukuyan.
Kahapon lang nang inanunsyo ng nasabing airline company na kakanselahin nila ang nasa 68 na domestic round trip flights.
Nauna na nilang kinansela ang 44 na flights noong Abril 28 hanggang 29 dahil daw sa damaged aircraft at heavy traffic.
Ayon kay Civil Aeronautics Board chief legal officer Wyrlou Samodio, sinusuri nila ng husto ang mga paliwanag na ibinibigay ng Cebu Pacific kaugnay ng unprecedented na flight cancellations.
Sa oras na mapatunayang mayroong mga paglabag, tiniyak ni Samodio na pagmumultahin nila ang Cebu Pacific.
Samantala, humingi ng paumanhin ang airline company sa naturang mga cancellations.
Kanila namang tiniyak na magno-normalize sa mga susunod na araw ang kanilang operasyon bago pa man ang Mayo 13 elections.