CEBU CITY – Nakikipag-ugnayan ngayon ang Cebu Provincial Environment and Natural Resources (PENRO) sa tanggapan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa Department of Environment and Natural Resources Region 7 (DENR-7) para malaman kung may permit o pahintulot ang pagkuha ng synthetic white sand para magamit sa rehabilitasyon sa Manila Bay at naiulat nga galing sa Cebu.
Kasama sa tutukuyin kung may ligal na basehan ang transportasyon ng puting buhangin.
Ayon kay Cebu PENRO Chief Rodel Bontuyan, hindi pa sila sigurado kung ligal ang pagpadala ng materyales papunta sa Manila Bay.
Dahil dito, posible umanong maglabas ang tanggapan ng PENRO kung maaaring mag-isyu ng isang permit para sa pagdadala ng buhangin mula sa ligal na proseso.
Maliban sa PENRO, puwede rin umanong ang DENR ang maglabas ng kaparehong permiso.
Gayunman, walang natanggap na request o wala pang naibigay na permit ang tanggapan sa pag-transport ng puting buhangin papuntang Manila Bay.
Una rito, lumalabas na gawa sa mga domite boulders mula sa Cebu ang synthetic white sand na ginamit sa baybayin ng Manila Bay bilang bahagi ng rehabilitasyon sa lugar.