CEBU CITY – Inilunsad kahapon, Pebrero 13, ng Cebu City Police Office sa pangunguna ni City Director PCol Enrico Figueroa ang Oplan Galugad na naglalayong palakasin ang seguridad sa mga barangay nitong lungsod ng Cebu.
Kabilang sa unang barangay na ginalugad ay ang Brgy. Mambaling, Duljo Fatima at Basak San Nicolas.
Kasabay nito, nagsagawa ng masusing patrol at inspeksyon ang mga law enforcement personnel na naglalayong hulihin ang mga indibidwal na sangkot sa mga ilegal na aktibidad at kumpiskahin ang mga kontrabando.
Binigyang-diin pa ni Figueroa na ang operasyon na ito upang palakasin ang seguridad, maagap na hadlangan ang mga kriminal na aktibidad, at tiyakin ang kaligtasan at kagalingan ng mga residente sa mga nabanggit na barangay.
Nilinaw naman niya na sa kanilang pagpatupad nito ay mahigpit pa rin nilang sinunod ang tuntunin ng batas.
Aniya, tuloy-tuloy nila itong papatupad sa lahat ng presinto nitong lungsod at tukuyin nila ang mga lugar kung saan sila magsagawa ng operasyon.
Dagdag pa na countermeasures nila ito upang maiwasan ang mga insidente ng pamamaril at anumang krimen na maaaring mangyari sa lungsod.
Hinikayat naman ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at i-ulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang makatulong na mapaunlad ang isang mas ligtas na komunidad para sa lahat.