CEBU – Binansagan ni Cebu City Mayor Tomas Osmeña na “Queen of Swertres” si Cebu City Police Office Director Police Colonel Royina Garma.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Osmeña, tahasan nitong inakusahan si Police Col. Garma na protektor ng illegal gambling at tumatanggap ng isang milyong piso kada linggo noong hepe pa ito ng Criminal Investigation and Detection Group-7.
Ngayon namang hepe na ito ng CCPO ay tumatanggap naman daw ito ng P500,000 hanggang P800,000 kada araw.
Ayon kay Osmeña, hindi ang mga tao ang pino-protektahan ng pulisya kundi ang kanilang mga bisyo.
Ito ang naging pahayag ng alkalde matapos na lumabas ang kanyang larawan sa social media na nasa loob ito ng casino at sinasabing kagagawan na naman ito ng Philippine National Police.
Patuloy namang inakusahan ni Mayor Osmeña ang pulisya sa sunod-sunod na pamamaril sa mga opisyal na kanyang kapartido.
Nabatid na matapos ang nangyaring pagrapido ng business showroom ni Cebu City ABC President Franklyn Ong noong Sabado ng madaling araw, nirapido naman ang pamamahay ni Amor Cabiles, ang Cebu City Barangay Mayor’s Office head at solid Osmeña supporter noong Sabado ng gabi.