CEBU CITY – Pinalawak ngayon ng Cebu provincial government ang ipinapatupad na pork entry ban mula Luzon kung saan kasali na rito ang Eastern Visayas.
Ito ay alinsunod sa mahigpit na pagbabantay upang hindi makapasok ang African swine fever (ASF) virus sa lalawigan.
Batay sa Executive Order No. 27 na inisyu ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia, delikado para sa local hog industry ang mga pork products mula sa Eastern Visayas.
Nakasaad sa executive order na ginagawa umanong transshipment point ang naturang rehiyon sa mga pork products mula sa Luzon na gustong makapasok sa merkado sa Cebu.
Napag-alaman mula sa Provincial Veterinary Office na lifted na ang pork entry ban sa mga lalawigan sa Eastern Visayas.
Sa ngayon, extended ang ipinatupad na ban sa mga pork products mula sa Luzon hanggang Hunyo 2020.
Una nang sinabi ni Gov. Garcia na sadya nila itong ipinatupad upang maprotektahan ang P11-billion hog industry ng lalawigan.