-- Advertisements --

CEBU CITY – Isinailalim na ang buong lalawigan ng Cebu sa “state of preparedness” bilang bahagi ng kanilang mga hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV).

Ito’y matapos na aprubahan ng provincial board ang Executive Order No. 5 kung saan gagamitin ng local government unit ang kanilang disaster funds.

Ayon kay Gov. Gwendolyn Garcia, gagamitin ang naturang pondo para sa ipinatupad nilang 14-day quarantine sa lahat ng mga Pilipinong bumyahe mula sa mainland China, Hong Kong, at Macau.

Dagdag pa ni Garcia na inihanda na ang ilan sa mga pasilidad upang makapag-accommodate ito ng daan-daang mga Pilipino na isasailalim sa quarantine.

Una nang natukoy ng Department of Health (DOH)-7 ang mga pasilidad na gagamitin bilang quarantine area gaya ng Eversely Child Sanitarium and General Hospital sa Mandaue City; Women Development Center sa Cebu City, at isang drug rehabilitation center sa bayan ng Pinamungajan.

Samantala, isinailalim na rin ng Mactan-Cebu International Airport Authority (MCIAA) ang paliparan sa state of emergency alinsunod sa banta ng nCoV sa bansa.

Batay sa inilabas na memorandum order, ite-takeover sa MCIAA ang lahat ng mga gamit sa paliparan pati na ang procurement ng kinakailangang gamit.

Bilang bahagi ng kanilang mas pinahigpit na precautionary measures, nagtalaga ang airport ng holding area para sa mga paparating na Pilipino mula sa China bago pa ito ihatid sa mga quarantine areas.