CEBU – Muli na namang biatikos ni Cebu Provincial Governor Gwen Garcia ang Department of Health sa patuloy na pagharang nito sa mga ipinatutupad na patakaran sa lalawigan ng Cebu hinggil sa opsyonal na pagsusuot ng facemask sa indoor at outdoor settings.
Kinuwestiyon ni Governor Garcia ang nasabing ahensya kung bakit hindi ito sang-ayon sa opsyonal na pagsusuot ng face mask na sa katunayan ay natuto na ang mga Cebuano na mamuhay kasama ang Coronavirus.
Sa katunayan, hinala pa rin ng gobernador na posibleng ipinipilit pa rin ng Department of Health ang pagsusuot ng facemask dahil marami na itong nabili na supply kung saan umabot na sa oversupply at kailangang ipamahagi sa mga distrito at provincial hospital.
Dagdag pa ni Garcia, isa sa mga ulat na kanyang natanggap ay naging bodega ng mga facemask ang mga ospital na pinamamahalaan ng lalawigan dahil sa sobrang supply ng facemasks at personal protective equipment (PPEs).
Hinala ng opisyal na pinipilit ng DOH ang nasabing gawain para bigyang-katwiran ang pagbili nila ng maraming suplay.