CEBU CITY – Nagpaabot ng tulong ang Cebu provincial government sa ilalim ni Governor Gwendolyn Garcia gayundin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD-7) sa mga magulang ng mga namatay na estudyante sa aksidenteng nangyari sa Sitio Lingatong, Barangay Upper Becerril, bayan ng Boljoon, Cebu, nitong nakalipas na Biyernes ng umaga.
Ito ang kinumpirma ni Agnes Mendaro, ang PTA president sa buong probinsiya ng Cebu.
Inihayag ni Mendaro na sasagutin ng Department of Education Region 7 ang lahat ng gastusin mula sa bayarin ng ospital hanggang sa pagpalibing ng mga namatay.
Habang, naghihinagpis naman ang mga magulang ng mga biktima dahil sa nangyaring hindi nila inaasahan.
Magkahalong lungkot at galit ang kanilang nararamdaman ngayon lalo na’t kanilang nalaman na nasa impluwensiya diumano ng alak ang driver nang mangyari ang insidente.
Isinalaysay din ni Aga Oliveros, 11, isa sa mga survivor, na mabilis umano ang takbo ng driver dahilan ng pagbaliktad ng truck nang paliko na sila sa talampas.
Ayon kay Oliveros, madali itong nakatalon nang namalayan ang paparating na disgrasya.
Nakita na lang nito ang kanyang mga kaklase na naipit sa truck at ang iba ay tumilapon pa sa daan kung saan may mga ulo na nabasag at nagkalat na mga utak.
Kaugnay nito, inihayag ni PSWDO head Wilson Ramos na isasailalim sa stress debriefing ang mga survivors na kinabibilangan ng mga estudyante at ilang mga magulang na sakay sa nasabing truck.
Nabatid na ligtas na ngayon ang drayber na si Danilo Nier at nasa kustodiya ng pulisya para na rin malayo sa labis na galit ng mga magulang ng mga biktima.
Una nang inilala ang mga namatay na sina Jerome Niere, 11; Mary Ann Filipino, 12,; Janna Delos Santos, 12; Clint Isidore Dugang, 10; Jefferson Jorpo, 11; Alexander Villanueva, 20; Victoria Gorozon, 40; Mark Loyd Mosqueda, 12, at Riza Mae Vinan, 10.