-- Advertisements --

CEBU CITY – Nilinaw ng National Bureau of Investigation (NBI) na walang nangyayaring conflict sa findings nila at ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa pag-iimbestiga sa kaso ng Grade 9 student na brutal na pinatay sa lungsod ng Lapu-Lapu, Cebu.

Ito’y kasunod na rin pahayag ng Public Attorney’s Office (PAO) na hindi umano nagtutugma ang imbestigasyon ng dalawang law enforcement agencies.

Ayon kay NBI-7 Director Atty Tomas Enrile, sinabi nito na nagtutulungan umano ang NBI at ang PNP sa kanilang ginagawang imbestigasyon kaugnay sa kaso ni Christine Lee Silawan.

In-adopt rin umano ng NBI ang findings ng medico legal officer ng PNP na walang nakitang fresh wounds sa pribadong bahagi ng katawan ng biktima kung kaya’t hindi pa masasabi kung ginahasa nga ba ito o hindi.

Ayon pa sa opisyal, kung hindi kumbinsido ang PAO sa autopsy findings maari rin umano silang direktang makipag-ugnayan sa PNP .

Ipinagtataka rin nito ang umano’y panghihimasok ng PAO sa imbestigasyon gayong trabaho naman daw ito ng mga law enforcement agencies.

Binigyang diin rin ni Enrile na matibay ang mga ebidensyang hawak nila laban sa 17 anyos na si alyas Jun na dating kasintahan ng biktima na siyang tinuturong suspek sa nasabing krimen.

Patuloy rin umano silang nangangalap ng karagdagang patunay upang madepensahan ang kasong murder na isinampa nila sa suspek.