CEBU CITY – Inaresto ng pulisya ang isang Cebuana beauty queen at nobyo nitong banyaga matapos lumangoy sa isang beach sa Brgy. Basdiot, Moalboal, Cebu sa kabila ng ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ).
Kinilala ang naaresto na si 2017 Binibining Cebu Maria Gigante, 26, at Spanish national nitong nobyo na si Javier Filosa Castro, 35.
Ayon kay PMSgt. Jennelyn Awe ng Moalboal Police Station, inilagay na ang dalawa sa isolation center dahil nanggaling ito sa Cebu City kung saan naitala ang kaso ng COVID-19 sa higit 1,000.
Lulan ng pribadong sasakyan, nagawa nilang lusutan ang quarantine checkpoint matapos idahilan nito na nanggaling sila sa bayan sa Dalaguete at tutungo raw sa Alegria para mamahagi ng relief goods.
Nahaharap ngayon ang dalawa sa kasong paglabag sa executive order ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia may kaugnayan sa ECQ protocols at paglabag sa ipinapatupad na liquor ban ng nasabing bayan.
Nagsagawa naman ang mga otoridad ng follow-up investigation kung paano nagawa ng dalawa na makalabas ng Cebu City.