Muli na namang nakasungkit ng gintong medalya ang isang Cebuanang triathlete na si Raven Faith Alcoseba matapos na dominahin ang Trifactor Triathlon female sprint elite category sa East Coast Park, Singapore.
Tinapos ni Alcoseba ang karera sa loob ng 1 oras, 6 minuto, at 46 segundo, habang nasungkit naman ng teammate na si Samantha Corpuz ang ikalawang puwesto sa 1:08.55.
Sa naging eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Alcoseba, sinabi nitong matapos ang kumpetisyon ay pinaghandaan naman nila kasama ang 8 iba pang Pinoy triathlete ang nalalapit na Asian Triathlon Championship na gaganapin ngayong Setyembre 18 sa bansang Kazakstan.
Kasama dito sa lalahok sa kumpetisyon ang isa pang Cebuanong SEA Games Silver medalist ni si Andrew Kim Remolino.
Sinabi pa ng 19 anyos na atleta na inaasahan na nitong maging pahirapan ang laban at makatunggali nito ang mga malalakas na atleta lalo pa at kalahok din sa nasabing kompetisyon ang iba pang bansa sa Asya.
Isa pa umano sa magiging hamon nitong kinakaharap sa kumpetisyon ay ang malamig na panahon dahil aniya magkaiba ang klima dito bilang isang tropical country at hindi ang nakasanayan.
Umaasa naman itong tuloy-tuloy na ang pag-improve nito sa larangan ng sports dahil gagawin din naman umano niya ang lahat ng kanyang makakaya.
Maliban sa international na kompetisyon, iniimbitahan naman ng Cebuana ang lahat para sa gaganaping Talisay City Aquathlon sa darating na Oktubre 9, 2022.
“Iniimbitahan ko po kayo lahat na sumali dun sa Talisay City Aquathlon. Gaganapin po ito ngayong October 9, 2022. So, sana makita ko po kayo lahat dun. Magiging masaya na race po ito. Tsaka may lechon po pagkatapos,” saad ni Alcoseba sa naging panayam ng Star Fm Cebu.
Matatandaan na nakasungkit ng bronze na medalya si Alcoseba sa 2022 SEA Games at ikawalong pwesto naman sa 2022 Asia Triathlon Junior at U-23 Championships sa Nur-Sultan, Kazakhstan.