Labis ang kasiyahang nadarama ng Cebuano na si Andrew Kim Remolino nang mapabilang sa four-man team na magrepresenta ng Pilipinas sa triathlon competition sa ika-30 Southeast Asian Games.
Nakuha ni Remolino ang kanyang puwang sa pambansang koponan nang siya ang pinakamabilis na Filipino Elite na nagtapos sa dalawang kwalipikadong SEA Games – ang 2019 Gyeongju ASTC Asian Triathlon Championships, na ginanap sa South Korea, noong Hunyo, at ang Subic Bay International Triathlon 2019 sa Subic noong Abril.
Makakasamang magrepresenta si Remolino kay John Leerams Chicano, Kim Mangrobang at Kim Kilgroe sa Philippines in the Men’s and Women’s Elite, tulad ng inihayag ni Tom Carrasco, ang pangulo ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP), National Sports Association (NSA) na namamahala sa triathlon sa bansa.
Ayon pa sa kanya,nakadagdag ng pressure ang anunsiyo sa pinal na listahan at nakadama ito ng laki ng responsibilidad na kakaharapin ngunit naging motibasyon naman nito na galingang mabuti ang kompetisyon.
Sinabi pa nito na bukod sa Pilipinas, ilalaan din niya ang kanyang unang SEA Games sa kanyang pamilya lalo na sa mga magulang at kapatid nito at para din sa koponan.
Magho-host ang Pilipinas sa 2019 biennial meet mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11, 2019.
Gaganapin ang triathlon competition sa Subic Bay Boardwalk sa Zambales.