-- Advertisements --

Hindi makapaniwala at tila isa umanong panaginip ang nararamdaman ni Jonash Aldrin Juntong matapos nalaman ang resulta ng April 2024 Civil Engineers Licensure Examination.

Si Juntong na nagtapos bilang Cum Laude sa Cebu Technological University – main campus ay nakatuntong sa Top 5 matapos nakakuha ito ng rating na 92.95%.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu sa 23 anyos, kanyang inilarawan na ‘funny at heartwarming experience’ ang inilabas na resulta dahil kapangalan din nito ang isa pang nag Top 5 ngunit ang pinagkaiba lamang ay isang letra kaya inakala nito ay nagkaroon lang ng error.

Ibinunyag pa nito na tinalikuran na sana niya ang pangarap na mapabilang sa Top 10 dahil bumababa ang kanyang performance sa panahon ng review.

Ikinatuwa pa nito na na nagbunga ang lahat sa kabila ng kanyang mga pinagdaanang hamon.

Wala naman umano siyang balak na lumipat ng career at sa ngayon ay bibigyan muna niya ng pahinga ang sarili.

Payo pa nito sa mga estudyante at sa mga magtake ng board exam na magtiwala lang sa sarili, subukang lampasan ang mga ginawa sa halip na ikumpara ito sa iba at bigyan ng pahinga ang sarili.