Inilipat na ng piitan ang businessman na si Cedric Lee patungo sa New Bilibid Prison nitong Biyernes ng gabi.
Kasunod ito ng kaniyang pagsuko sa mga otoridad noong ilang oras matapos silang sintensyahan ng korte ng penalty of reclusion perpetual o hanggang 40 taong pagkakakulong kasama ang modelong si Deniece Cornejo, at dalawang iba pa.
May kaugnayan pa rin ito sa guilty verdict ng korte laban sa naturang mga akusado hinggil sa isinampa ng Serious Illegal Detention for Ransom na isinampa laban sa kanila ng aktor at tv host na si Vhong Navarro.
Sa ulat, bandang alas-9:00pm ay dinala sa Bilibid si Lee sa Muntinlupa City mula sa kustodiya ng National Bureau of Investigation sa Quezon City.
Samantala, sa ngayon ay nananatiling tahimik si Lee gayundin sa kasagsagan ng pagpoproseso ng kaniyang mga dokumento.
Kung maaalala, una nang dinala sa NBP ang isa sa mga akusado na si Simeon Raz, habang sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City naman dinala ang modelong si Deniece Cornejo.
Matatandaan na noong Marso 2023, pinawalang bisa ng Korte Suprema ang kaso ng rape at acts of lasciviousness na isinampa ng naturang mga akusado laban kay Navarro nang dahil sa kakulangan ng mga ito sa ebidensya.