-- Advertisements --

Mangiyak-ngiyak nang tanggapin ng GomBurZa star na si Cedrick Juan ang Best Actor award kagabi sa 49th Metro Manila Film Festival (MMFF) Gabi ng Parangal na ginanap sa Quezon City.

Sa kanyang talumpati, inalay niya ang kanyang pagkapanalo sa mga Pilipinong hindi nakakakuha ng hustisya at nagpaalala na bigyan ng importansiya ang kasaysayan.

“Inaalay ko po itong parangal na ‘to para sa lahat ng Pilipinong hindi nakakakuha ng hustisya. Dahil 152 years ago, ganon po ‘yong nangyayari sa atin at ‘yon po ang kwento ng tatlong paring martir na sana ay matuto tayo sa ating history, hindi para baguhin ito kundi para matuto.”

Mas naging emosyonal din si Juan nang pasalamatan niya ang mga taong sumugal sa kanya para gampanan ang isa sa mga paring martir.

“Maraming-maraming salamat po JesComm sa pagsugal sa akin… Maraming-maraming salamat Pepe Diokno dahil sino ba naman ako, sumugal ka sa akin. Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat dahil sumugal kayo sa isang katulad ko na nagmamahal sa pag-arte.”

Binanggit din ni Cedrick Juan na nahubog ang kanyang talento sa pag-arte sa pagsali sa mga theater groups noong siya ay nasa kolehiyo partikular na sa alma mater nito na Far Eastern University at sa Dulaang UP.

Big winner din ang pelikula nitong GomBurZa dahil nag-uwi ito ng pitong awards kabilang na ang 2nd Best Picture.