Pumanaw na ang Catholic priest-architect na kilala sa pagdesinyo ng ilang simbahan dito sa Pilipinas at sa ibang bansa.
Sa ulat ng CBCP, si Fr. Alex Bautista ng Diocese of Tarlac ay namatay dahil sa tinatawag na neuromuscular ailment sa Cardinal Santos Hospital sa San Juan City kaninang alas-2:00 ng madaling araw.
Ang 50-anyos na si Father Alex ang siya ring nagdesinyo sa liturgical furnishings kasama na ang sacristy sa isinagawang misa ni Pope Francis sa Quirino Grandstand sa Maynila noong taong 2015.
Siya rin ang nagdesinyo sa papal chair na ginamit ng Santo Papa.
Ilan pa sa kanyang mga naging proyekto ay ang pagdesinyo sa mga “iconic” churches na La Sagradia Familia at Shrine of San Josemaria Escriva sa Tarlac.
Bilang license architect siya rin ang nasa likod nang pagsasaayos o restoration sa interior ng Tuguegarao cathedral at Our Lady of Peñafrancia Minor Basilica sa Naga City.
Ang Manila Cathedral ay nagpaabot din nang pakikiramay sa mga naiwan ng pari.
Ito rin daw ang nagdesinyo sa magandang renovation ng Manila Cathedral sacristy.
“He would always say that the sacristy should be clean and dignified because it is the “ante cielo,” the room where you prepare for the heaven that is the Eucharist. Thank you for your legacy to the Mother Church,” bahagi ng statement ng Cathedral sa pamamgitan ng FB account.
Dahil sa kanyang kagalingan sa larangan ng architectural design, kinuha siya bilang chairman ng Tarlac diocese Commission for the Cultural Heritage of the Church at bilang architecture consultant sa Episcopal Commission on Cultural Heritage ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Bago siya pumasok sa seminary formation sa Spain noong 1995 nagtrabaho muna siya sa Hong Kong ng tatlong taon bilang architect.
Nagtapos siya sa philosophy at theology sa University of Navarre sa Pamplona, Spain noong 2001.
Sa sumunod na taon siya ay naordinahan bilang pari sa Tarlac diocese.