-- Advertisements --

Nagbalik-tanaw ang ilang celebrities sa tagumpay na natamasa nila noong 2023 at inihayag din ang mga gusto nilang gawin ngayong 2024.

Lubos ang pasasalamat ni Star for All Seasons Vilma Santos sa tiwala ng mga producer sa kanya dahil ilang offers at scripts umano ang natanggap niya noong 2023. Big deal daw sa kanya ito sapagkat nararamdaman niyang may tiwala pa rin ang industriya sa kanya.

Dagdag niya pa, hindi naging maganda ang taong 2023 para sa lahat lalo na sa way of living ng mga tao dahil sa pagtaas ng mga bilihin kaya hiling niyang makabawi ang ekonomiya ng bansa para makabawi rin ang mga tao pati na ang industriya ng pelikulang Pilipino.

Grateful naman ang internationally acclaimed actress na si Dolly de Leon sa mga bagong bagay na natuklas niya sa kanyang sarili. Aniya, looking forward siya na magsimulang muli ngayong 2024 at i-enjoy ang mga parating na trabaho.

Busiest year of my life naman kung ituring ni Dingdong Dantes ang taong 2023 dahil nagpatong-patong umano ang kanyang commitments. Malaki aniya ang pasasalamat niya dahil napagtagumpayan niya ito nang hindi naaagrabyado ang kanyang kalusugan.

Para naman kay Miss Universe Philippines Michelle Dee, natutuhan umano niyang gamitin ang platforms na ibinigay ng Diyos sa kanya para tulungang gawing mas maayos ang buhay ng mga taong nasa autism spectrum. Marami rin daw siyang projects ngayong 2024 tulad ng teleserye at pelikula.

Isang pelikula naman ang aabangan kay Matteo Guidicelli kasama ang kanyang asawa na si Sarah Geronimo ngayong 2024. Bukod dito, marami pa raw silang plano para sa kanilang pamilya at karera. Naniniwala si Matteo na ang bawat taon ay inihahanda siya sa mas malalaki pang hamon na paparating sa kanyang buhay.