LAOAG CITY – Ipinaalam ni Master Hanz Cua, ang tinaguriang Philippines Most Trusted Celebrity Feng Shui Expert na maraming ahasan o pangangaliwa ang mangyayari sa taong 2025 na Year of the Wood Snake.
Ayon sa kanya, malaki ang posibilidad na marami ang maging traydor lalo na sa pakikipagrelasyon kaya kailangan ang mahigpit na pag-iingat para maiwasang bumalik ang karma.
Bukod pa rito, base sa nakikita niya sa 2025 chart, maraming insidenteng may kinalaman sa apoy tulad ng sunog, malakas na ulan at matinding aksidente.
Samantala, sinabi ni Master Cua na ang Lucky Color of the Year ay gold o ginto.
Ipinaliwanag niya na ang pagsusuot ng kulay ginto ay mapalad sa pera, maraming oportunidad at tagumpay.
Aniya, kailangang gawing maliwanag, masaya at maingay ang tahanan upang pumasok ang suwerte sa bahay.
Sabi niya, maganda ang ipinapakita ng snake lucky charm sa timog-silangang bahagi ng sala ng bahay.
Gayunpaman, ibinunyag niya na hindi ito para sa mga ipinanganak sa Year of the Pig.
Dagdag pa niya, magiging masagana ang buong taon sa paghahanda ng 12 iba’t ibang uri ng prutas tulad ng pakwan, melon, saging, mansanas, peras, orange, longgan, peach, mangga, ubas, guyabano, mangosteen at lansones kasama na rin ang pagbibigay ng ampao sa mga inaanak sa binyag.
Binanggit din ni Master Hanz Cua na ang lahat ng mga ito ay gabay lamang, nakasalalay pa rin sa atin ang ikot ng ating buhay.