-- Advertisements --

Kumamada ng 21 points si Jaylen Brown tampok ang limang 3-pointers para mamayani sa paglampaso ng Boston Celtics sa Brooklyn Nets, 149-115.

Umalalay si Jayson Tatum na may 19 points, habang may tig-18 points sina Gordon Hayward at Robert Williams para sa Celtics, na pumoste ng season high na puntos at pagandahin sa 2-2 ang kanilang kartada sa Disney World.

Maliban dito, naglista rin ang Boston ng 20 of 39 mula sa 3-point range.

Kagyat na nagpasiklab ang Celtics sa pagsisimula ng bakbakan kung saan nagbuhos sila ng 71 puntos sa first half.

Umabot din hanggang sa 21 ang kanilang abanse bago ang break habang nagpahinga muna si All-Star point guard Kemba Walker dahil sa namamaga nitong tuhod.

Umiskor naman ng 21 points si Jeremiah Martin at Joe Harris ay nagrehistro ng 14 para sa Nets.

Habang si Caris LeVert ay nalimitahan lamang sa 13 points, makaraang tumabo ng career-high na 51 puntos sa kanilang overtime win laban sa Celtics noong Marso bago ang suspensyon ng season dahil sa coronavirus pandemic.